Sponsored Link
Matapos ang dalawang linggo ng pananabik at paghihintay, balik-telebisyon na ang Wowowin. Inanunsyo ni Willie Revillame ang pagpapatuloy ng kanyang programa ngayong Lunes, May 16, sa panayam ni Cata Tibayan sa 24 Oras.
Ang ginawang bakasyon ng Wowowin host at staff ay ginamit din nilang oportunidad para lalong pabonggahin ang Kapuso afternoon variety game show.
Panimula ni Willie, “At home na talaga. Una itong studio sa GMA 7, nandito na tayo. Sobrang komportable para sa lahat, especially sa ating mga Kapuso at kababayan na manonood halos araw-araw. More of ano ‘to eh, comfort ng mga tao.”
Dagdag din niya, “Pinaganda ‘tong set, pinalakihan. Nagdagdag ng mga LEDs, pinaganda mga ilaw. The idea is parang nanonood ka ng American Idol, nanonood ka ng MTV Music Award’s Night, and parang nanonood ka ng Grammy Awards. ‘Yun ang gusto namin. ‘Yun ang idea na mapakita sa kanila na napakaganda ng lahat, ng games, ng show, ng set-up, ng ilaw, ng sound system para quality [entertainment] talaga.”
Maliban dito, pinabuti rin nila ang konsepto ng mga palaro sa programa.
“Mas madaling manalo dapat. Bakit natin papahirapan ‘di ba? Pinadali ko ‘yung ‘Patalbugan’ para makuha agad ‘yung kotse… Ang gusto namin dito may manalo eh, na hindi naman ipagdadamot ng mga games na ‘yan. Kaya nga pinapadali namin ‘yung mga games,” aniya.
Sa opening pa lamang ng Wowowin sa Lunes ay may isa pang bagong masasaksihan ang mga manonood. Bahagi ni Willie, “May mga dati akong kanta na hindi nakakanta masyado so gusto kong kantahin dito. Iba ang GMA eh, syempre buong mundo nanonood sa atin.”
Sa kanyang pagbabalik, patuloy din ang pasasalamat ni Willie sa GMA executives at management.
Wika niya, “Nakaka-inspire magtrabaho dito eh dahil pagpasok mo dito, napakagaan. Lahat nakangiti, ‘di ba. Tapos lahat very supportive. At nandito naman ang Wowowin po para suportahan ang bagong shows dito sa GMA, at magbibigay pa ng saya dito ‘yan sa GMA.”